138
gun-man
Feb 7, 2018 @ 16:59
By

Magkaibigan dinedbol sa loob ng haybol

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang hindi pa nakikilalang ‘gunman’ ang dalawang magkaibigan habang masayang nagku-kwentuhan sa loob ng bahay sa Quezon City, Martes ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang mga biktimang sina Joseph Pumatay, 40-anyos, binata, at residente ng No. 25 Hercules St., Brgy. San Agustin, Novaliches; at Allen Noynay, 26, binata at naninirahan sa Jordan St., Brgy. San Agustin, Novaliches.

Ang magkaibigan ay namatay noon din sanhi ng tinamong maraming tama ng bala ng ‘di pa malamang kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Alvin Quisumbing ng CIDU, ang pamamaril ay naganap dakong 10: 45 nitong Martes ng gabi sa loob ng bahay ni Pumatay.

Dumalaw umano ang biktimang si Noynay sa kanyang kaibigang si Pumatay at habang masaya silang nagku-kwentuhan ay may bigla na lamang sumipa sa pinto ng tahanan ng huli at walang sabi-sabing niratrat ng baril ang dalawa.

Nang masigurong patay na ang pakay ay agad na tumakas ang nag-iisang salarin dala ang baril na ginamit sa krimen.

Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa naganap na pamamaslang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?