gringo
By

Maghanap na tayo ng kakampi laban sa China – Honasan

Sharing is caring!

Hinimok ni Senador Gregorio Honasan ang Malacañang na humagilap na ng mga bansa na maaaring makatulong sa Pilipinas sa pagpapatigil sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa senador, chairman ng Senate committee on national defense and security, walang kakayanan ang bansa na tapatan ang puwersa ng militar at yaman ng China kaya kailangan na ng masasandalan.

“Mag-imbentaryo na tayo ng kakampi natin dito. Lumalabas kasi rito na China lang, una napakalaki, napakayaman niyan, makapangyarihan. Wala pa akong nabalitaan na kumampi sa kanila,” dagdag nito.

Una na umanong dapat hingan ng saklolo ang Amerika dahil may mga military agreement dito ang Pilipinas.

Tinukoy ang Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agrement (VFA) at ang Enchanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Nakasaad sa MDT ang pangako ng Amerika na tutulong sa bansa kapag may nanakop dito habang nagbigay-daan ang VFA at EDCA sa madalas na pagbisita rito ng kanilang military at mga barkong pandigma.

Ayon kay Honasan, kailangan na ring tawagan ng Pilipinas ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) dahil apektado ang lahat kapag nalimitahan ang pagpalaot ng mga barko at paglipad ng mga eroplano ng iba’t ibang bansa sa WPS.

“Tanungin natin ang US, ASEAN, karatig bansa na teka muna, hindi lang kami ang apektado nito, kayong lahat baka magtayo din ang China ng toll gate e pare-pareho ang problema natin. So habang maaga, magkaisa na tayo at sa diplomasya, magkaisa na tayo at kausapin natin nang maayos ang China,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?