37
magdalo-gary-alejano
By

Magdalo

Sharing is caring!

Tsismis lang ba ang narco list?

May panahon pa si Pangulong Duterte para ilabas ang mga pangalan ng mga barangay officials na ayon umano sa kanyang listahan ay sangkot sa ilegal na droga. Sa susunod na buwan pa naman ang eleksyon at pasimula pa lang din naman ang kampanya.

Noong 2016 pa lamang ay bukambibig na ng Pangulo ang listahang ito at sinasabing 40% sa mga barangay officials ay sangkot sa ilegal na droga – dahilan umano ng paglala ng kalakaran ng droga sa mga komunidad.

Ang hindi ko maintindihan ay bakit hindi inilalabas ang mga pangalan ng mga barangay officials na ito kung talagang sigurado siyang sangkot ang mga ito sa ilegal na droga. Bakit hindi pa kasuhan kung talagang may nagawang krimen.

Mapapaisip ka tuloy kung isa na naman ang drug list na ito sa mga haka-haka ng Pangulo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maliwanag ang mga numero kaugnay ng problema sa droga. Maski ang Pangulo ay pabago-bago ng numero.

Malaking tulong sana sa pagdedesisyon ng mga botante kung sino ang kanilang iboboto sa susunod na buwan kung mailalabas ang mga pangalan ng mga barangay officials na sangkot sa ilegal na droga.

Sa mga malalaking lungsod, limitado ang impormasyon ng mga tao sa kanilang mga barangay officials dahil halos lahat sa mga ganitong lugar abala sa kanilang pang-araw-araw na gawain.

Aminin na natin, marami sa mga taga-lungsod ang hindi talaga kilala ang kagawad sa kanilang barangay at marami-rami din ang hindi pamilyar sa mukha ng kanilang barangay chairman.

Kaya nga kung may mga barangay officials sa sangkot talaga sa ilegal na droga at nasa listahan ng Pangulo, ito ay maaaring makatulong sa mga botante kung sino ang kanilang iboboto sa Mayo 14.

Hindi nga lang dapat iniyayabang ang mga narco list na hawak umano ng Pangulo. Ang tama at nararapat na gawin ay kasuhan ang mga taong mapatunayang sangkot sa ilegal na droga.

Hindi dapat matapos ang drama sa paglalabas lamang ng pangalan. Kailangan sampahan sila ng kaso dahil hangga’t hindi ito ginagawa ng pangulo, patuloy lamang ang kalakaran ng ilegal na droga.

Siguraduhin din sana ng gobyerno na ang mga susunod na kakasuhan ay mayroong matibay na ebidensya at hindi magaya sa mga high profile personalities sa nauwi lang sa wala ang kanilang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?