34

By

‘Magbaon’ pangarap ng bawat player – Bolick

Bawat player, pangarap na magbaon ng game-winner sa kanyang career.

Hindi exemption doon si Robert Bolick, at nakuha niya ‘yun sa kanyang rookie season nitong Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ibinaon ng No. 3 pick overall ang drive 4.3 seconds na lang at naligtasan ng NorthPort ang Meralco 93-92.

“Ito ‘yung moments na each player gustong maka-game winner,” ani Bolick, tumapos ng team-high 18 points, 3 rebounds at 2 assists. “Sa akin, I just want to win and I took the opportunity na kunin ‘yung last shot. Ayun, na-shoot naman.”

Naiiwan ng isa ang Batang Pier, binigay ang bola kay Bolick para dumiskarte.

Sumagasa ang guard na produkto ng San Beda, nalansi ang double-team nina Cliff Hodge at Ranidel de Ocampo bago pinakawalan ang winning layup.

Tinapos ng NorthPort ang eliminations sa 9-2, sinelyuhan ang No. 2 at sa unang pagkakataon sa prangkisa ay twice-to-beat sa quarterfinals.

Puwede pang mag-No. 1 ang Batang Pier kapag natalo ang 9-1 TNT sa 5-5 Magnolia sa huling araw ng eliminations sa Miyerkoles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?