363

Dec 1, 2017 @ 16:26
By

Mag-utol na seaman, malubha sa aksidente

Dalawang magkapatid na kapwa seaman at pasampa na sana ng barko, ang malubhang nasugatan nang sumalpok sa isang cement mixer ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Ermita, Manila.

Pinangangambahan namang hindi na muna makasakay ng barko ang isa sa mga biktima na si Ramshear Ramirez, 22, nang magulungan ng cement mixer ang kanyang mga paa na naging sanhi ng halos pagkaputol nito.

Samantala, nagtamo naman ng mga sugat sa paa at bali sa braso ang kanyang kapatid na si Amver Ramirez, 21.

Sasampahan naman ng kaukulang kaso ang driver ng truck na si Jerry Techon.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Traffic Section, bago mag-alas singko ng madaling-araw nang maganap ang aksidente sa San Marcelino Street, kanto ng United Nations Avenue, sa Ermita.

Sakay ng isang motorsiklo ang magkapatid at patawid sana ng San Marcelino nang bigla na lang itong sumalpok sa cement mixer na minamaneho ni Techon, na noon ay tumatawid naman ng United Nations Avenue.

Ayon kay Techon, mabilis ang takbo ng motorsiklo kaya pumailalim ito sa trak nang magsalpukan sila sa intersection.

“Naka-green light ako. Bigla na lang may lumagapak sa harap ko,” aniya.

Ayon naman sa isang testigo, mabilis din umano ang takbo ng trak nang maganap ang aksidente.

Kaagad namang dinala sa ospital ang dalawang biktima upang malunasan. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,