70

Dec 15, 2017 @ 17:27
By

Mag-lolo todas sa pananambang

Patay ang isang lolo at apo niyang binatilyo matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa harap ng bahay sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Navotas City Police, alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Roldan Street, Barangay Tangos ng nasabing lungsod. Nasa tapat ng kanilang bahay ang mag-lolo na sina Fernando dela Cruz, 66-anyos at Kenneth Maglonzo, 15.

Biglang dumating ang hindi bababa sa apat na mga kalalakihan na pawang nakasuot ng mga sumbrero, maskara at dark color na mga kasuotan saka pinagbabaril si Maglonzo. Maging si Dela Cruz ay pinaulanan ng bala ng mga suspek.

Mabilis namang lumabas ng kanilang bahay ang ama ni Kenneth nang makarinig ng mga putok ng baril at laking panlulumo na lang nito nang makita ang biyenan at anak na wala nang buhay.

Napag-alaman mula sa barkada ni Kenneth na kamakailan lamang umano ay nasangkot ito sa riot, nadakip umano ito ng pulisya kasama ang iba pang mga binatilyo ngunit nakalaya matapos na magkaaregluhan at mangako sa barangay ang magulang ng mga nasangkot sa gulo na babayaran ang mga nasira na naidulot ng riot.

Dagdag pa nila, bago umano ang araw na iyon ay may mga kalalakihan din umanong naghahanap kay Maglonzo at may dala pang litrato niya saka nagtanong kung saan ito nakatira.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?