179

Dec 7, 2017 @ 15:13
By

Mag-live in partner, timbog sa panloloko

Nahaharap sa kasong falsification of public documents, large scale estafa at carnapping ang mag-live in partner matapos mabuking sa kanilang modus na magbabayad ng talbog na cheke sa mga nabibiktimang negosyante sa Baras, Rizal.

Kinilala ni S/Insp. Armando Moises, hepe ng Baras, Rizal, ang mag-live in partner na sina Christian Bayagan at Milagrose Cuevas, kapwa nasa hustong gulang at residente ng bayan ng Pililla, Rizal.

Batay sa report, naharang ang dalawa sa isinagawang checkpoint sa Pililia, Rizal noong Lunes dahil sa reklamong natatangap ng Baras PNP kaugnay sa modus ng dalawa na nambibiktima umano ng mga negosyante at iniisyuhan nila ng cheke na walang pondo kapalit ng pagkuha ng mga produkto ng biktima.

Ayon kay Insp. Moises, nagpapanggap na empleyado ng Ca-Da-Ros Trading na matatagpuan sa J.P. Rizal, Barangay Evangelista ang dalawa at bibili sa hardware at auto supply kasabay ng pag-iisyu ng tsekeng walang laman.

Ayon naman sa biktima na ayaw na ipabanggit ang pagkakakilanlan, nakukuha ng dalawa ang tiwala ng kanilang nabibiktima dahil magaling umanong magsalita ang mga ito kasabay ng pagpresinta ng mga identification card nila at mayroon pa silang opisina at warehouse na ipinagmamalaki.

Nabatid na umabot sa P2 milyon ang halaga ng mga produktong natangay ng grupo sa isa nilang nabiktima.

Kasalukuyang nakakulong sina Bayagan at Cuevas sa Baras detention cell habang pinaghahanap naman ang ilan pang kasabwat nito na nakikilala lamang sa mga alyas na “Caloy”, “Madam” at “Corazon”.

Nakuha sa mga suspek ang mga pekeng identification, pekeng plaka at iba pang pinekeng dokumento matapos malambat sa checkpoint.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?