36
ABANTE drug courier shabu jailed crime arrested

Mag-live in partner nahulihan ng P300,000 halaga ng shabu

Umaabot sa P300,000 halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa mag-live in partner makaraang mahuli ng kanilang landlord na ginagawang pagre-repack ng mga sachet ng shabu sa loob ng inuupahang bahay sa Brgy. Canelar, Zamboanga City.

Ayon kay Chief Insp. Julius Dao-An, hepe ng Police Station 3, nagreklamo sa kanilang tanggapan ang may-ari ng boarding house matapos na mabuking ang ginagawang iligal ng kanyang mga tenant.

Naaresto sa isinagawang operasyon ang isang babae at lalaki na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga na naaktuhang nagre-repack ng droga sa loob ng inuupahang boarding house.

Ayon sa may-ari ng paupahan, wala pang isang buwan na nangungupahan ang mag-live in partner at napapansin niya ang pagpunta ng ilang lalaki sa tirahan ng mga suspek.

Nakumpiska ang 16 sachet na naglalaman ng shabu na tinatayang nasa 30 gramo ang bigat at ilang drug paraphernalia.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para malaman kung saan kumukuha ng supply ng droga ang dalawang suspek.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?