27

Mar 13, 2020 @ 15:43
By

Mag-live in na tulak, tiklo sa San Juan

Nalambat ng San Juan City Police ang mag-live in partner na kapwa nasa listahan ng unified drugs watch list sa ikinasang buy-bust operation, Huwebes ng gabi sa Barangay Kabayanan, San Juan City.

Batay sa nakalap na report mula kay Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan Police, nakilala ang mga suspek na sina Joey Guitang, 44-anyos, construction worker at Janette Rodriguez, 38-anyos, kapwa residente ng Building 2, San Juan Villa, Barangay Kabayanan.

Inaresto ang mag-live in partner bandang 7:30 Huwebes ng gabi sa labas ng kanilang building sa isinagawang buy-bust operation makaraang makipagtransaksyon ang isang police poseur buyer na si PCpl Mark Gil Dela Cruz sa suspek para makabili ng shabu.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang sa 9.4 gramo at nasa P63,920.00 ang halaga at P500 buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa San Juan CPS Custodial Facility habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 Art. II ng RA 9165 laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?