139

Feb 7, 2020 @ 20:12
By

Mag-inang senior patay sa bundol ng SUV

Nasawi ang mag-inang senior citizen habang nasa kritikal na kondisyon ang isa pa nilang kapamilyang matanda nang masagasaan ang mga ito ng isang rumaragasang SUV sa Taguig City.

Dead-on-the-spot ang mag-ina na sina Rosalinda Visaya, 85, nakatira sa GHQ Village, Taguig City at anak na si Lolita Austria, 66, ng Holy Spirit, Quezon City makaraang magtamo ng matinding pinsala sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa AFP Philippine General Hospital ang isa pang anak na si Erlinda Tacsay, 65.

Agad namang nadakip ang driver ng SUV na si Meliton Deloso, 50, tubong Agusan del Sur, company driver at naninirahan sa Barangay Pooc, Santa Rosa, Laguna.

Base sa isinumiteng report ni Police Co. Celso Rodriguez, hepe ng Taguig City Poloce, ala-1:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Bayani Road tapat ng AFPMBAI, Barangay Western Bicutan.

Base sa kuha ng CCTV, kitang-kita na nakahinto ang may limang sasakyan habang nagbababa naman ng sakay ang iba.

Huminto ang isang taxi na pinara ng mga biktima at nang pasakay na ang tatlo, dito na nasagasaan ng isang rumaragasang Toyota Fortuner na may plakang ASA-7121 na minamaneho ni Deloso.

Dahil sa bilis ng Toyota Fortuner, pumailalim ang mga biktima na kung saan namatay agad ang mag-inang Rosalinda at Lolita habang agad namang naisugod sa nasabing pagamutan si Erlinda na inilipat sa St. Luke’s Hospital.

Dahil sa lakas ng impact ay nabangga din ang limang sasakyan na nakahinto sa nasabing lugar.

Base naman sa pahayag ni Deloso, halos tatlong dekada na raw itong driver pero aminado siya na imbes na preno, accelerator ang kaniyang naapakan.

Bukod pa dito aniya masama raw ang kaniyang pakiramdam at uminom siya ng gamot para sa allergy kaya siya inantok.

Tumanggi nang magpa-interview ang mga kaanak ng biktima pero ayon sa kanilang caretaker, kauuwi lang galing Canada ng isang anak at may inayos lang sila sa bangko nang mangyari ang aksidente.

Samantala sinampahan naman ng reckless imprudence resulting to 2 counts of homicide, physical injury, at damage to property ang nasabing driver. (armida d. rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?