117
Mag-iinang minasaker sa Bulacan, inayudahan ng LGU
By

Mag-iinang minasaker sa Bulacan, inayudahan ng LGU

Ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ang lahat ng tulong sa nagdadalamhating pamilya ng mag-iinang minasaker sa Barangay Kaypian, San Jose Del Monte City, Bulacan.

Ayon kay SJDMC Bulacan Mayor Arthur Robes, aakuin na ng local government unit (LGU), ang pagpapalibing sa tatlong miyembro ng pamilya Casabuena na kinabibilangan ng 28-anyos na si Jaymee at dalawang anak nito sina Anton Gabriel, 8; at Joaquin Mateo, 5.

Bukod sa financial assistance at trabaho sa OFW na ina ni Jaymee, inialok din ni Mayor Robes na mailibing sa sementeryo na pagmamay-ari ng lungsod ang tatlong namatay.

Nakipag-ugnayan na rin ang alkalde sa Social Welfare Department para alamin pa ang pangangailangan ng naiwang pamilya ng mga biktima ng masaker.

Dahil dito, kahit papaano ay mapapawi ang pagdadalamhati ng pamilya Casabuena partikular na ang OFW na ina ng namatay na si Jaymee at lola ng dalawang menor de edad.

Pinasalamatan naman ni Robes ang SJDMC PNP sa pamumuno ni P/Lt Col Orlando Castil Jr., dahil sa maagap na aksyon at agarang pagkakadakip sa mga salarin na sina Wilson Nozal at Joselito Cortez.

Dahil sa karumal-dumal na krimen iginiit naman ni SJDMC Bulacan Representative Florida Robes na panahon na para ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?