249

Oct 31, 2017 @ 14:50

Mag-BFF, kritikal sa panghuhuli ng alimango

Agaw-buhay ang isang 18-anyos na estudyante at kaibigan nito matapos na walang habas na pagbabarilin, saksakin at hampasin pa ng bato sa ulo ng tatlong kalalakihan habang nanghuhuli ng alimango sa katubigang sakop ng Navotas City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni P/Supt. Ferdinand Balgoa, ng Navotas City Police, ganap umanong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa gilid ng dagat na malapit sa isang pumping station na sakop ng A. Santiago St., Barangay Sipac-Almacen, ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong nanghuhuli ng alimango ang magkaibigang sina Edward Jhon Malicsi, 18, ng nasabing lugar at Danny Naval, 24, ng Interior St., Barangay San Jose, nang dumating ang mga suspek na sina Jeremy Obeja, Jayvee Villanueva at isang nakilala lang sa alyas na “Kakang” na mga armado ng hindi pa malamang kalibre ng mga baril.

Wala umanong anu-ano’y bigla na lamang pinagbabaril ng mga lalaki ang dalawang biktima.

Tinamaan sa ulo at dibdib si Malicsi habang sa likurang bahagi naman ng kanyang katawan tinamaan si Naval. Bagama’t may mga tama na ay nagawang makatakbo ni Malicsi habang hindi na nakalakad pa at natumba na lamang sa kanyang kinaroroonan si Naval.

Hindi nakuntento at nilapitan pa ng mga suspek si Naval saka halinhinang pinagsasaksak at pinaghahampas ng bato sa ulo.

Isang kapitbahay ni Malicsi ang nakasaksi sa insidente na siyang humingi ng tulong sa kanilang barangay at nang maramdamang paparating na ang mga tauhan ng barangay ay agad ding nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi nalaman na direksiyon.

Agad na naisugod ang magkaibigan sa Jose Reyes Medical Center na pawang nasa kritikal na kondisyon ngayon.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng manhunt operation laban sa mga salarin ang mga tauhan ng Navotas City Police PCP 3. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?