326

Oct 18, 2017 @ 17:43

Mag-beshie, nagsabunutan sa utang

Dalawang babae na dating mag-beshie o mag-best friend, ang nagpalitan ng reklamo nang kapwa magtamo ng mga pasa, sugat at galos matapos magsabunutan dahil lamang sa tsismis sa lungsod ng Malabon, kahapon ng madaling-araw.

Pasado alas-dos ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Halaan Alley, Barangay Longos, ng nasabing lungsod kung saan kasalukuyan umanong nakatambay at nagkukuwentuhan sa isang bahay sa may parking lot ang mga barkada kasama si Romina Dabong, 23-anyos, isa sa nagreklamo, nang dumating ang grupo naman ni Arianne Manalo, 21, at makitang naroroon ang una.

Nagkatitigan ang dalawa hanggang sa walang sabi-sabing nagsabunutan ang mga ito at nagpagulung-gulong sa kalsada.

Ilan sa mga residente ang tumawag sa kanilang barangay kaya naawat ang dalawa.

Dinala ang mga ito sa tanggapan ng barangay, kung saan nagpasyang magdemanda ng slight physical injury laban sa isa’t isa na agad namang naayos nang magdatingan ang kani-kanilang magulang.

Nabatid na dating matalik na magkaibigan sina Dabong at Manalo simula pa nang elementarya ngunit dahil umano sa lumaking tsismis hinggil sa utang ng kanilang mga pamilya sa isa’t isa kaya’t nasira ang pagkakaibigan ng dalawa. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?