302

Feb 9, 2019 @ 15:07
By

Mag-asawang senior citizens nag-away, lalaki nagpakamatay

Nag-suicide sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili ang 63-anyos na mister matapos na sakalin at saksakin ang kaniyang misis sa gitna ng kanilang pagtatalo sa Quezon City kaninang madaling-araw (Pebrero 9).

Kinilala ang suspek na si Tomas Abella Virgilio Jr., car painter at residente ng No. 18 Biyaya St., Brgy. Bungad, QC.

Namatay siya matapos na saksakin ang kaliwa niyang dibdib.

Nasa kritikal na kondisyon naman sa Quezon City General Hospital ang kaniyang misis na si Myrla Miranda Garaygay, 60, sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Anthony Tejerero, ng CIDU, alas-2:45 ng madaling-araw ay nagising ang anak na si Abegail Virgo dahil sa pag-aaway ng kaniyang mga magulang.

Nakita umano ni Abegail na sinasakal ng kaniyang ama ang kanyang nanay kaya tinawag niya ang kapatid niyang si Vincent Virgo upang awatin ang mga magulang subalit pagbalik ng dalawa sa silid ng mga ito ay duguan nang nakahandusay ang kanilang ina.

Dahil dito ay agad na isinugod ng magkapatid ang kanilang ina sa ospital at muling bumalik sa kanilang tahanan at doon ay nadatnan naman nilang duguang nakaluhod ang kanilang ama at wala nang buhay.

Tumanggi namang magsalita ang magkapatid kung ano ang dahilan ng pag-aaway ng kanilang mga magulang.

Nasamsam ng SOCO sa crime scene ang walong pulgadang haba na fan knife.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nangyaring krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?