74

By

Mag-asawang senior citizen, tinodas ng akyat-bahay

Naaagnas na ng matagpuan ang bangkay ng mag-asawang matanda na pinaniniwalaang pinatay ng mga magnanakaw na nanloob sa kanilang bahay sa bayan ng San Jose, Camarines Sur.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na mayroon ng isang linggo patay ang mag-asawang Ely Balcuaeva, 83, at Nelly Balcueva, 86, ng madiskubre ang kanilang bangkay sa loob ng kanilang bahay sa Zone 1, Barangay Kinalasan ng nabatid na bayan.

Napag-alaman na wala nang kasama ang mag-asawa sa kanilang bahay dahil bumukod na ang mga anak nila na may kanya-kanya ng mga pamilya.

Samantala patuloy pang inaalam ng pulisya kung sino ang mga responsable sa pagnanakaw at pagpatay sa mga biktima.

Lumalabas sa ulat na dakong alas-12:10 ng tanghali ng iulat sa pulisya ang pagkakatagpo sa bangkay ng mga biktima ng kanilang anak na si Emerita Balcueva Chavez, 53, matapos ipaalam dito ang pagkakatagpo ng bangkay ng kanyang mga magulang.

Agad namang rumesponde ang pulisya sa lugar at base sa inisyal na imbestigasyon ay pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa mga ito patunay ang puwersang pagpasok ng hindi pa kilalang mga suspek sa pamamagitan ng pagwasak ng pintuan sa likurang bahagi ng bahay.

Gulo-gulo rin ang loob ng bahay na pinaniniwalaang hinalughog ito ng hindi bababa sa 2 o higit pang mga suspek.

Isang bag naman ang nakuha ng pulisya na pag-aari ng nasawing ginang at may lamang aabot sa P25,762 na nakakalat sa sahig ng kuwarto ng mag-asawa.

Teorya ng pulisya na posibleng nagising ang mga biktima habang pinagnanakawan sila ng mga suspek at nanlaban umano ang mga ito habang kinukuha ang bag na naglalaman ng pera dahilan upang patayin sila ng mga magnanakaw bago nagsitakas.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?