87

Jan 30, 2020 @ 18:30
By

Mag-asawang senior citizen, binurdahan ng saksak sa bahay

Walang awang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng mga hinihinalang miyembro ng akyat-bahay gang ang mag-asawang senior citizen sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Commonwealth, Quezon City, Miyerkoles ng gabi (Enero 29).

Parehong wala nang buhay at tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktimang sina Leonardo Ollana, 69, at Nida Ollano, 63, nang madiskubre sa loob ng kanilang tahanan sa Maya Street, Brgy. Commonwealth dakong alas-8:45 ng gabi.

Nakatakas at inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga hindi pa kilalang salarin.

Sa salaysay sa pulisya ng manugang ng mga biktima na si Hermogenes Timola, 31, messenger at residente rin ng naturang lugar, kauuwi lamang nila ng bahay ngunit nagtaka sila na walang ilaw sa loob ng tahanan at nakakailang katok na sila ay walang nagbubukas ng pinto.

Nagtataka rin umano ang mga anak ng mga biktima na sina Princess at Ona kung bakit hindi naka-padlock ang kanilang gate, na ginagawa ng mga magulang kung umaalis ang mga ito ng bahay, kaya’t nagpasya na si Timola na umakyat na lamang sa bintana sa ikalawang palapag upang makapasok sa tahanan.

Laking gulat ni Timola dahil nang buksan niya ang ilaw ay tumambad sa kanya ang magulong tahanan, na indikasyon na niransak ito ng mga salarin, gayundin ang mga bangkay ng mga biktima, na naliligo sa sarili nilang dugo.

Agad silang humingi ng tulong sa mga personnel ng Barangay Commonwealth.

Hinala ng mga awtoridad na pagnanakaw ang motibo sa krimen matapos na makumpirmang nawawala ang tinatayang aabot sa P100,000 cash na itinatago ng mag-asawa sa isang itim na shoulder bag sa loob ng kanilang silid, gayundin ang gintong kuwintas ng biktimang si Leonardo; P5,000 cash ni Timola na nasa kanilang silid sa ikalawang palapag at ang cellphone ng biktimang si Nida.

Sa inisyal na imbestigasyon naman ng mga pulis, lumilitaw na tiniyak ng mga salarin na patay ang mag-asawa dahil nagtamo umano ng 17 saksak si Erlinda habang 14 naman ang tinamo ni Leonardo.

May mga sugat din umano ang mag-asawa sa kanilang mga kamay na tandang nanlaban sila sa salarin.

May isang pares din umano ng tsinelas na hindi raw pag-aari ng mga nakatira sa bahay ang natagpuan ng mga pulis sa crime scene at hinalang pagmamay-ari ito ng isa sa mga salarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?