152

Nov 24, 2017 @ 17:32

Mag-asawang negosyante, todas sa riding in tandem

Patay matapos na walang habas na pagbabarilin ang isang mag-asawa habang lulan ng motorsiklo ng dalawang lalaking riding in tandem sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni PSSupt. Jemar Modequillo, ng Caloocan Police, alas-kuwatro umano ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa kahabaan ng Phase VII, Package 10, Barangay 176, Bagong Silang.

Sakay umano ng motorsiklo ang mag-asawang sina Justin Bangay, 45-anyos, at Margarita Bangay, 32, kapwa negosyante at mga residente ng Phase 7-A upang mamili sana ng kanilang paninda sa palengke nang harangin ng mga suspek na lulan din umano ng motorsiklo.

Nagawa pa umanong makababa ng mga suspek sa motorsiklo saka pinaulanan ng bala ang mag-asawa.

Patay na nang dalhin sa ospital ang mga biktima.

Sa pagsisiyasat ng SOCO sa lugar, hindi bababa sa apat na mga basyo ng bala mula sa hindi pa alam na kalibre ng baril ang narekober sa lugar. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?