50

Jul 24, 2019 @ 17:24
By

Mag-asawang Indonesian suicide bomber, nasa likod ng Jolo blast

Ikinagalak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang ginawang kumpirmasyon ng Indonesian police na ang mag-asawang Indonesian suicide bomber ang siyang responsable sa pagpapasabog sa Jolo Cathedral noong Enero 27, 2019 na ikinasawi ng 22 katao at ikinasugat ng aabot sa 100 iba pa.

Ayon kay AFP spokeperson Brig. General Edgard Arevalo, nagtugma ang media report at kanilang imbestigasyon na ang twin bombing sa Mount Camel Cathedral sa Jolo, Sulu ay gawa ng mag-asawang Indonesian suicide bomber na nakilalang si Rullie Rian Zeke at asawang si Ulfah Handayani Saleh.

Samantala, patuloy na bineberipika ng PNP ang ulat hinggil sa pitong foreign terrorist na pinaniniwalaang nagsasanay sa mga terrorist group sa paggawa ng bomba gayundin para magsanay maging suicide bomber.

Ang pahayag ni Albayalde ay matapos sabihin ni Major General Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command, na pitong foreign terrorist ang ikinalat sa Basilan, Sulu at Maguindanao kasama ang grupong Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters upang magsanay sa paggawa ng bomba at maging suicide bomber.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?