71

Dec 27, 2017 @ 17:21
By

Mag-asawang ex-mayor, kinasuhan sa pagbili ng pagkain sa sariling bakery

Ipinagharap ng kasong graft sa Sandiganbayan sina dating Alonguinsan, Cebu mayors Cynthia at Augustus Moreno.

Kaugnay ito ng pagbili ng pagkain na nagkakahalaga ng P282,725 mula sa sarili nilang bakeshop.

Nahaharap din si Cynthia sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standard of Government Officials and Employees.

Ayon sa Ombudsman, noong Pebrero 2010 ay bumili ang munisipyo ng P78,375 na halaga ng pagkain sa AVG Bakeshop na pagmamay-ari ni Cynthia.

Noong Abril 2010 kung kailan si Augustus na ang mayor, bumili rin ang munisipyo ng P204,350 na halaga ng pagkain sa AVG Bakeshop.

Inirekomenda ng Ombudsman ang P30,000 piyansa sa bawat kaso ng graft at P10,000 sa paglabag sa Code of Conduct law.

Dati pang nagbitiw sa puwesto si Augustus noong Pebrero, dalawang linggo matapos siyang sibakin ng Ombudsman.

Nagtatago naman si Cynthia makaraang makasuhang guilty sa iba pang kasong katiwalian kaugnay ng maanomalyang pagbili ng construction materials noong 2007. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?