18

By

Mag-asawa timbog sa ‘shabu drive thru’

Sharing is caring!

Arestado ang umano’y mag-asawang tinedyer na nagbebenta ng shabu sa pamamagitan ng ‘drive thru’ at ginagawang ‘front’ lamang ang kanilang stall ng mga cellphone casing sa bus terminal, kasama ang hinihinalang kanilang drug courier sa Quezon City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni P/Supt. Ariel Capocao, hepe ng Kamuning Police Station 10, ang mga nadakip na sina Jhalal Lotao, 19-anyos; at Jane Lee, 19, kapwa residente ng Brgy. Immaculate Conception, at ang sinasabing drug courier na si Alvin de Dios, 27, ng Dinalupihan, Bataan.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nitong Martes (Mayo 1, 2018), nagsagawa ng surveillance ang mga operatiba ng Kamuning Police matapos na makatanggap ng impormasyon na sa nasabing stall ng mga suspek ginagawa ang pakikipagtransaksiyon sa mga bumibili sa kanila ng shabu.

Nang maging positibo ang pagmamanman sa mga suspek na ginagawang front lamang ang kanilang stall EDSA cor. Monte De Piedad, Brgy. Immaculate Conception, at agad na nagsagawa ng buy-bust opration ang mga pulis.

Isa sa mga pulis ang nagpanggap na adik at habang nagpapalitan ng shabu at pera ay agad na dinakma ang dalawang teenager at ang kasamang drug courier na umano’y taga-deliver nila ng droga sa mga lalawigan.

Ayon kay Supt. Capocao, front lang ng mga suspek ang cellphone shop pero doon ginagawa ang bentahan at isinisilid lamang sa cellphone casing.

Aniya, nalaman pa umano ng mga awtoridad na may istilo ring ‘drive-thru’ ang mga suspek kung saan may hihinto na sasakyan sa EDSA at iaabot na nila ang droga sa sasakyan.

Malaki rin ang hinala ng pulisya na karamihan sa mga parokyano ng mga suspek ay ang mga bus driver at konduktor na patungong mga lalawigan.

Nasamsam sa mga suspek ang 29 sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000. Bukod dito, nakumpiska rin sa kanila ang cal. 9mm pistol beretta na may serial number BER123325Z, na may lamang limang bala.

Nakapiit na ang tatlo sa Kamuning Police habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition batay sa ipinatutupad na Comelec gun ban laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?