bitcoin1
By

Mag-asawa sa P700-M bitcoin scam, ‘no show’ sa DOJ hearing

Sharing is caring!

Itinuloy ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors ang pagdinig sa reklamong syndicated estafa laban sa mag-asawang itinuturong utak ng P709-million bitcoin scam at 30 iba pang indibiduwal.

No-show sa pagdinig ang mag-asawang Arnel at Leonady Ordonio at bigong makapaghain ng kontra-salaysay.

Una nang naaresto sa isang entrapment operation ang mag-asawa sa Vigan City at pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.

Tanging abogado ng mga ito ang humarap at humingi ng kopya ng reklamo.

Naghain naman ng kontra-salaysay ang sampo sa respondents sa reklamong inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Hiniling nila sa DOJ panel na ibasura ang reklamo laban sa kanila dahil sila ay pawang mga investor lang.

Iginiit din nila na walang matibay na ebidensya laban sa kanila.

Itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa Mayo 24 sa ganap na alas-dos ng hapon.

Pinahaharap sa nasabing pagdinig ang lahat ng respondent kahit ang mga nagsumite ng kontra-salaysay para sa mga clarificatory question.

Ang mag-asawang Ordonio ang may-ari ng kumpanyang NewG Bitcoin Trading na sinasabing nakapag-recruit ng tinatayang 50 investors sa kanilang bitcoin business.

Ayon sa CIDG, ang bitcoin scam ay gaya ng pyramiding scheme na mayroong upline at downline.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?