144
tnt_dead
Nov 1, 2017 @ 15:19

Mag-asawa niratrat sa bahay, misis patay

Namatay ang misis habang malubha namang nasugatan ang mister nito matapos na sila ang pagbabarilin sa harap ng kanilang menor-de-edad na anak ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa FEU Hospital ang biktimang nakilalang si Myla Matore, 44, nakatira sa Block 4, Lot 23 Row House 2, Pilot Drive Quezon City, habang ang mister nito na si Randy Matore, 45 ay ginagamot pa sa nasabing pagamutan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Nelson Sarmiento, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-11:00 ng gabi naganap ang pamamaril sa mag-asawa sa harap ng kanilang anak na 16-taong gulang na si Reyden sa loob ng kanilang tahanan.

Sa pahayag ni Reyden sa mga awtoridad, natutulog na sila nang kumatok sa pintuhan ng kanilang bahay ang dalawang suspek na nagpakilalang mga taga-barangay.

“Matore, Matore taga barangay kami, buksan mo ang pinto may kailangan lang kami,” salaysay ni Reyden sa pulisya.

Aniya, bumangon ang kanyang ina sa pagkakahiga at bahagyang binuksan ang pinto pero agad na pinaputukan ng sunud-sunod ang kanyang ina ng mga suspek at ang kanyang ama na noon ay akma pa lamang na tatayo sa pagkakahiga.

Matapos ang pamamaril ay naglakad lamang papalayo ang dalawang suspek na kapwa nakamaskara at black na raincoat.
Masusing iniimbestigahan na ng mga tauhan ng QCPD ang naganap na krimen, upang kilalanin ang mga suspek at kung anong motibo sa nangyaring pamamaril. (Dolly B. Cabreza/with trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?