39

Jan 27, 2020 @ 15:42
By

Mag-asawa na galing sa piyesta, todas

Patay ang isang dating preso na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), at asawa nito matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek sa mabundok na bahagi ng Barangay Minaba, Bayawan City, Negros Oriental.

Pawang dead on the spot matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang mag-asawang biktimang sina Herman Escora, 48, alyas “Ricky”, magsasaka, na may mga dating kasong robbery with homicide, frustrated murder at illegal possession of firearms and explosive, at asawa nitong si Elvira, 47-anyos.

Sa ulat ni Police Col. Alfonso Enriquez, officer in charge ng Bayawan City PNP, naganap ang insidente pasado alas 2:00 ng hapon sa kahabaan ng Barangay Minaba ng lungsod na ito.

Nabatid na naglalakad pauwi ang mga biktima galing sa piyestahan sa Sitio Canabuan nang bigla na lang silang hintuan ng hindi pa kilalang mga suspek armado ng M16 at kalibre .45 baril at malapitang pagbabarilin ang mag-asawa.

Matapos masigurong patay na ang mga biktima ay saka lang umalis ang mga suspek.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng may kinalaman sa mga dating kaso ang motibo ng pamamaslang sa mga biktima.

Nakuha sa lugar ng insidente ang mga basyong bala ng kalibre .45 baril at M16 armalite.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing pamamaslang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?