66

Jun 4, 2020 @ 10:25
By

Mag-anak pinagbabaril sa kanilang tahanan

Patay ang mag-asawa habang sugatan naman ang 5-anyos nilang anak matapos pasukin ng dalawang hindi pa kilalang armadong lalaki ang bahay ng pamilya at pagbabarilin ang mga ito Miyerkoles ng gabi sa Purok Gumamela, Barangay Igat Island sa bayan ng Margosatubig, Zamboanga del Sur.

Dead on the spot dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan ang mister na nakilalang si Jose Canoy Cabatcha, 42, mangingisda, habang nakuha pang isugod sa Margosatubig Regional Hospital ang kinakasama nitong si Naima Bacalso Zulueta, 38, subalit nasawi din ito habang ginagamot dahil sa dalawang tama din ng bala sa katawan, habang ang anak nitong si Nadjar Bacalso Zulueta, 5, ay patuloy pa ring inoobserbahan sa parehong pagamutan dahil sa tama ng shrapnel sa katawan.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang insidente dakong 9:45 ng gabi habang nagpapahinga na ang pamilya sa kanilang bahay ng dumating ang dalawang hindi pa kilalang mga suspek na armado ng calibre .45 baril at isang calibre .30.

Pinasok ng mga ito ang bahay ng pamilya at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima at pagkatapos ay mabilis ding tumakas gamit ang bangkang de motor patungo ng Zamboanga Sibugay.

Nakukuha ang awtoridad sa crime scene ng anim na basyong bala ng calibre .45 gayundin ang dalawang basyong bala ng .30 caliber nab aril.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo ng mga suspek sa pamamaslang sa mag-asawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?