91
doj
By

Mag-amang alkalde, bise alkalde ng Masbate pina-subpoena ng DOJ

Pinadalhan na ng Department of Justice (DOJ) ng subpoena ang alkalde ng Masbate at ang ama nito na vice mayor naman ng lalawigan para dumalo sa susunod na pagdinig sa Marso kaugnay ng mga nadiskubreng matataas na uri ng mga baril at pampasabog sa kanilang bahay at resort.

Pinadadalo ng DOJ ang mag-amang sina Mayor Charmax Yuson at Vice Mayor Charlie Yuson III.

Bahagi ito ng isinasagawang preliminary investigation ng binuong DOJ panel matapos maghain ng reklamong kriminal ang PNP-CIDG Masbate Provincial Field Unit noong Pebrero 14 laban sa mag-ama.

Inatasan ng DOJ ang mag-ama na magsumite ng kanilang counter-affidavits sa March 1 at 12 para sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition o paglabag sa Section 28 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.

Ayon sa DOJ panel, sakaling mabigo ang dalawa na maghain ng kanilang
counter-affidavit ay ikokonsidera na kanilang isinusuko ang karapatan na magprisinta ng kanilang depensa sa preliminary investigation.

Matatandaang noong Pebrero 13, 2019, sinalakay ng mga operatiba ng PNP at Philippine Army ang bahay ng alkalde at ang beach resort ng ama nito sa Butuan kung saan nasamsam ang mga baril at pampasabog.

Isinagawa ang pagsalakay base sa search warrant na inisyu ni Manila RTC Branch 37 Executive Judge Virgilio Macaraig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?