68
jv-ejercito
By

Mafia, mismanagement dahilan ng pagkalugi ng PhilHealth -JV

Sharing is caring!

Hinimok ni Senador JV Ejercito si Pangulong Duterte na magtalaga na ng permanenteng pangulo ng Philippine Health Insurance Commission (PhilHealth) para mayroon nang magpatino sa pamamalakad ng ahensiya na diumanoy lugi o nalusawan ng P4 bilyon dahil sa katiwalian at mismanagement.

Ayon kay Ejercito, chairman ng Senate committee on health, maaring makabuti sa PhilHealth kung ang itatalaga ay financial expert kahit hindi doktor.

Ang mungkahi nito ay sa gitna ng kaniyang hinala na mayroong mafia na dahilan ng pagkalusaw ng bilyon-biyong pisong pondo ng ahensya bukod sa diumano ay sablay ang pangangasiwa nito.

Sa ngayon, public doctor ang interim president ng PhilHealth na si Celestina Ma. Jude dela Serna na iniutos ni Pangulong Duterte na imbestigahan dahil gumastos umano ng P627,293.04 sa mga biyahe sa nakalipas na isang taon samantalang malaki ang lugi ng ahensya.

Sa pagdinig kanina ng Joint Congressional Oversight Committee on the National Health Insurance, itinanggi ni Dela Serna na may katiwalian sabay giit na pinoprotektahan nila ang kontribusyon ng mga PhilHealth member.

Samantala, sinabi ni Gregorio Rulloda, senior vice president ng PhilHealth, na hindi P8.9 bilyon ang lugi ng Philhealth kundi P4.7 bilyon.

Pinagbuti naman umano ng PhilHealth ang pagkolekta ng kontribusyon pero lumaki naman nang lumaki ang gastos dahil dumami ang kumuha ng benepisyo at dumagdag sa mandatory beneficiaries ang senior citizens mula noong 2014, gayundin ang mga beneficiaries mula sa informal sector at mga inendorso ng mga lokal na pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?