38

Oct 6, 2017 @ 18:22

Made in China na armas, sampolan na

Ikinatuwa ng isang kongresista ang mga baril, bala at sniper scopes na donasyon galing ng China.

Ayon kay Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon, dapat kilalanin ang hakbang na ito ng Chinese government bilang “gesture” ng pakikipagkaibigan.

Gayunpaman, dapat aniyang matiyak ng security force ng Pilipinas na ang ibinigay na mga armas ay compliant sa standards ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“The accuracy, endurance in harsh conditions, reliability over extreme use, compatibility with regularly supplied ammunition and existing spare parts, and ease of use by operators should be tested using the prescribed procedures and standards imposed by the AFP on all its purchased weapons. This testing is in the interest of the AFP, in order to ascertain that the use of these donated firearms will be effective and safe for use by our troops,” batay sa pahayag ni Biazon.

Mahalaga ,aniya, na magamay ng mga pulis at sundalong Pinoy ang paggamit sa mga naturang armas dahil hindi puwedeng makompromiso ang diskarte sa pakikipagbakbakan ng mga ito.

“We should not compromise the fighting effectiveness and safety of our soldiers. They cannot afford to have their weapons fail on them in the crucial moments of battle,” ayon pa sa kongresista.

Matatandaan na pinangunahan ni Chinese Ambassador Zhao Jinhua nitong Oktubre 5, ang turnover ng 3,000 M4 rifles, tatlong milyong rounds ng mga bala at 30 sniper scopes.

Gagamitin ng PNP ang mga rifle at bala ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana habang ang sniper scopes ay para sa militar.

Ang unang batch ng mga armas na nagkakahalaga ng $7 milyon ay nauna nang ibinigay ng Tsina noong Hunyo, ngayong taon na ipinagkatiwala rin sa PNP.

Nag-donate din ng P15 milyon na relief assistance ang China para sa kapakanan ng mga kababayang naapektuhan ng Marawi siege. (Aries Cano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?