42

Dec 22, 2020 @ 17:39
By

Mabuting nagawa ng mga pulis ‘wag kalimutan – PNP

Nanawagan sa publiko ang Philippine National Police (PNP) na huwag kaligtaan ang mga nagawang “kabayanihan” ng ibang tauhan nila dahil sa isang pulis na pumatay ng mag-ina sa Paniqui, Tarlac.

Magugunitang Noong Linggo, Disyembre 20, binaril ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa ulo ang mag-inang Sonya at Frank Gregorio matapos ang alitan tungkol sa “boga”.

Nakunan ng video ang insidente at nag-viral sa social media ang mga hashtag na may kaugnayan sa pang-aabuso ng mga pulis gaya ng #StopTheKillingsPH, #JusticeForSonyaGregorio at #EndPoliceBrutality.

Sa kabila nito, sinabi ni PNP spokesman Brigadier General Ildebrandi Usana na hindi dapat matabunan ng nasabing insidente ang mga mabubuting gawa ng PNP.

“Ginagalang po namin lahat ng nagiging akusasyon dahil kay Nuezca pero tingnan din po natin iyong napakaraming magagandang halimbawa na nai-share na po ng ating kapulisan,” sambit ni Usana sa isang Laging Handa Public Briefing nitong Martes.

“Hindi na po mabilang ito. Siguro naman magiging fair and just din na bigyang-pansin iyong mga heroic acts ng ating kapulisan over this particular case of Nuezca,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?