41

Dec 19, 2017 @ 13:47
By

Mabilis na pagbangon ng Biliran, iniutos ni Duterte

Pinabibilisan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehabilitasyon ng Biliran na isa sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyong Urduja.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, hiniling ng Pangulo kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na unahin ang dalawang napinsalang mga tulay pati na mga kalsada sa lugar.

Isang buwan ang ibinigay ng Pangulo kay Villar para tapusin ang pagkumpuni sa mga nasirang istruktura.

Ayon kay Roque, nahihirapang makarating sa tamang oras ang mga tulong dahil sa mga nawasak na tulay.

“He asked members of the Cabinet to expedite the rebuilding of Biliran. Specifically, he asked Secretary of Public Works and Highways to hasten the building of the damaged bridges in Biliran, in the town of Naval,” ang pahayag ni Roque.

Inatasan din aniya ng Pangulo ang Department of Trade and Industry na mahigpit na bantayan kung may pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sinabi ni Roque na maging ang Department of Interior and Local Government at National Disaster Risk Reduction and Management Council ay inatasan ni Pangulong Duterte na paigtingin ang paghahanap sa mga nawawalang indibiduwal.

Sinabi ng kalihim na ilang miyembro ng gabinete ay hindi pa nakakabalik ng Maynila dahil na-stranded ang mga ito sa Biliran.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?