65

Nov 23, 2021 @ 18:06
By

Mabigat na parusa laban sa mandurugas sa timbangan umusad

Umusad na ang panukalang pagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga nagtitinda na dinaraya sa timbang ang mga mamimili.

Ang House Bill 3255 ay inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng voice voting sesyon noong Lunes.

Sa ilalim ng HB 3255 ay magtatayo ang mga lokal ng pamahalaan ng timbangan ng bayan center sa lahat ng palengke sa bansa upang mayroong magamit ang mga kustomer para malaman kung wala sa tamang timbang ang ibinigay sa kanilang produkto.

Ayon sa panukala, itataas sa P50,000 hanggang P300,000 ang multa laban sa mga mandaraya o/at kulong na hindi bababa sa limang taon.

Kasama sa parurusahan ang mga gumagamit ng timbangan na sinira upang mas konti ang maibigay na produkto sa kustomer gayundin ang sisira sa timbangan ng bayan.

Kakanselahin ang business permit ng tindahan na dalawang beses mahuhuli na gumamit ng sira o minanipulang timbangan.

Sa ilalim ng Consumer Act na ipinatutupad sa kasalukuyan ang parusa sa mga mandaraya sa timbang ay hindi hihigit sa P1,000 multa at pagkakakulong na hindi lalagpas ng isang taon.

Ang pondo na kailangan sa pagpapatupad ng panukala ay kukunin sa pondo ng lokal na pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?