129

Nov 9, 2017 @ 14:48
By

Mabagal na usad ng pabahay sa ‘Yolanda’, binatikos ni Legarda

Pinuna ni Senadora Loren Legarda ang kabiguan ng National Housing Authority (NHA) at maging ng mga lokal na pamahalaan na kumpletuhin ang tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda na humagupit noong Nobyembre 2013.

Sa report na nakuha ng Senate committee on finance na pinamumunuan ni Legarda, hanggang nitong Hulyo 31, 2017, wala pang kalahati ng kailangang pabahay para sa mga niragasa ng bagyong Yolanda ang natatapos.

Higit 205,128 ang kailangang housing units para sa mga binagyo at dinelubyo sa Eastern Visayas pero halos 67,754 pa lang ang nakukumpleto.

Sa bilang na ito, 23,687 pa lang ang okupado.

HIndi matirhan ang mga bahay dahil hindi kumpleto ang listahan ng NHA ng beneficiaries at wala ring tubig at kuryente sa mga bahay.

Samantala, wala pa raw pabahay na natatapos kahit isa sa Palawan, Masbate, Southern Leyte at Dinagat Islands.

Ayon sa senadora, may pagkukulang dito ang NHA, Local Water Utilities Administration (LWUA) at ang National Electrification Administration.

May mga ahensiya rin umano na hindi pa nakakapagpaliwanag ukol sa paggamit ng pondo na iniutos sa kanila na ilaan para sa Yolanda recovery and rehabilitation.

Kabilang daw dito ang National Food Authority (NFA) na pinaglaan ng higit P111 milyon para sa Yolanda victims pero hindi pa nagagasta ang P50 milyon samantalang kailangan ito ng mga nasalanta.

Wala pa ring paliwanag ang Philippine Coconut Authority kung paano nila ginasta ang P2.5 bilyon na iniutos na ilaan nila sa pagtulong sa kabuhayan ng mga binagyo.

Uungkatin umano ito sa budget hearings at sa mga pagdinig ng Senado ukol sa Yolanda rehabilitation. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?