7

Feb 11, 2021 @ 14:26
By

Mabagal na paggastos ng gobyerno iimbestigahan ng Senado

Pinasisiyasat ni Senador Francis Pangilinan ang Senado sa mabagal na paglabas at paggamit ng pondo nito sa ilalim ng Bayanihan 2.

“Bakit mabagal? Minadali natin sa Kongreso ang dalawang Bayanihan at ang budget para masigurong may magagamit na pondo para sa maayos na pagkontrol sa Covid,” sabi ni Pangilinan.

“Alam natin na ito ang susi sa pagbangon ng ating ekonomiya. Pero kung from disbursement at utilization sobrang bagal, baka patay na ang kabayo, ‘ika nga,” dagdag pa nito.

Sa report ng Office of the Preident na isinumite sa Senado noong Enero 4, may kabuuhaang P103.24 bilyon sa P140 bilyong pondo sa ilalim na Bayanihan 2 pa lamang ang nailalabas.

Sa Senate Resolution 647, ipinunto ni Pangilinan ang pagka-antala sa pag-release ng pondo para sa suweldo ng mga contract tracers, hazard pay at special allowance ng mga health workers, cash subsidy sa mga jeepney driver.

Naantala din ang paggamit ng P83 bilyong pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), gayundin ang underspending ng Departments of Transportation, Public Works and Highways, at Department of Agriculture.

“These delays and underspending are unacceptable given that Bayanihan 2 was signed into law July 27, 2020,” sabi ni Pangilinan.

“Seven months na since naisabatas ang Bayanihan 2, ngunit ngayon ay 25% pa lang ang nagagamit ng DA. We cannot wait another 7 months para lang maging 50% ito lalo na ngayong hinaharap natin ang kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin, nagkululang na suplay ng baboy,” dagdag pa nito.

Layunin ng Senate Resolution 647 na atasan ang angkop ng komite para imbestigahan ang pag-release at paggamit ng Bayanihan 2 fund para mapunan ang critical gap sa COVID-19 response measures ng gobyerno.

“We can’t let bureaucracy slow us down from delivering much needed aid and support. Hindi natin pwedeng pinaghihintay ang ating mga kababayan para sa ayuda na dapat ay matagal na sana nilang nakuha,” ani Pangilinan.

“We have to know where else are we underspending and how we can unlock the funds and speed up the disbursement,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?