55

Oct 6, 2017 @ 15:53

Maasim Mayor Lopez sumuko kay Pacquiao

Ilang oras matapos makatakas sa raid ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sumuko  kay Senador Manny “Pacman” Pacquiao si Maasim, Sarangani Mayor Anecito “Jojo” Lopez, Biyernes ng tanghali.

Ayon kay Pacquiao, nang malaman nito na nakatakas sa raid si Lopez ay agad niya itong pinayuhan na sumuko sa mga awtoridad upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.

“When he called up, I advised him to surrender. Dapat niyang harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya,” saad ni Pacquiao.

Nang sumuko ang alkalde ay naghihintay na rin sa bahay ng senador sa General Santos City si PDEA Director General Aaron Aquino kaya’t agad nang na-turn over si Lopez.

Kasabay nito, nagbabala si Pacquiao sa iba pang Sarangani officials na lumayo sa katiwalian at anumang iligal na aktibidad.

“All the local officials in my home province knew my stand when it comes to illegal drugs trade and corruption. Once they got embroiled in any illegal activities, they cannot expect help from me. I made it clear from the very start,” saad ni Pacman.

Bagama’t hindi kapartido, kilala naman ang alkalde na tagasuporta ng pambansang kamao.

Sa operasyon ng PDEA kahapon ng madaling-araw sa bahay ni Lopez sa Lumasal Village sa bayan ng Maasim, nasabat ang may P5 milyong halaga ng hinihinalang shabu, mini shabu laboratory, green book na naglalaman ng drug transactions at money trail. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?