48

Oct 25, 2017 @ 15:47

Maagang pamasko sa athletes, coaches ng PSC

Ipagkakaloob ngayon ng Philippine Sports Commission (PSC) executive board sa pangunguna ni PSC Chairman William Ramirez ang insentibo sa mga athlete at coach na mga nakamedalya sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games 2017 sa Ashgabat, Turkmenistan noong Sept. 17-27 at sa 9th ASEAN Para Games 2017 sa iba’t ibang lugar sa Malaysia nong Sept. 17-23.

Sisimulan ang pamamahagi ng pabuya, ayon kahapon kay PSC-Public Communications Office Head Emmalyn Perez de Tagle-Bamba, sa ganap na alas-11:30 ng umaga, na dadaluhan din nina Commissioners Charles Raymond Maxey, Ramon Fernandez, Fatima Celia Hicarte Kiram at Arnold Agustin sa Multi-Purpose Hall ng PhilSports Complex sa Pasig.

Base sa pinalawak na Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Sports Incentives Act, tatanggap ng pinakamalaking maagang pamasko sina AIMAG jiu-jitsu women’s ne-wasa 45-kilogram at 55kg gold medal winners Margarita Ochoa at Annie Ramirez ng tumataginting na tig-P2-million.

Ang silver and bronze medalists ay may P1 million at P400,000 samantalang sa APG ang mga naka-ginto’y may P150,000; sa silver ay P75,000 at sa bronze ay P30,000.

May 14 silvers at 14 bronzes pa ang bansa sa AIMAG upang lumagak sa 19th place mula sa 63 entries habang may 20 golds, 20 silvers, at 29 bronzes sa APG ang mga Pinoy para pumanlima sa 11 kasaling mga bansa. (Ramil Cruz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?