136
magdalo-gary-alejano
Mar 7, 2018 @ 19:27
By

Maagang paghahanda para sa tag-ulan

Nagsimula na ang summer kaya may panahon na ang mga local government unit (LGUs) lalo na sa Metro Manila na maglinis ng estero, ilog at mga daluyan ng tubig ulan.

Sana samantalahin ito ng mga LGUs kasama ito ng mga concerned sectors tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para maglinis ng mga daluyan ng tubig bilang paghahanda sa tag ulan na karaniwang nagsisimula sa buwan ng Mayo o Hunyo,.

Tuwing panahon ng tag-ulan, lalong humihirap ang buhay ng mga tao sa Metro Manila dahil sa baha na siya ring nagpapalala sa nararanasan nating problema sa trapiko.

Mula ngayon ay mayroong dalawang buwan ang mga LGUs at MMDA na maglinis ng mga estero, ilog at mga kanal. Sasapat naman na siguro ang panahon na ito para magawa na ang mga dapat linisin at ayusin.

Bihira sa Metro Manila ang mga estero na walang basura. Hindi nakakapagtaka na sa konting ulan lamang ay bumabaha na dahil hindi nakakadaloy ng maayos ang tubig ulan.

Kailangang pagtulungan na ito ng lahat na linisin habang may panahon pa dahil mas mahirap ang sitwasyon kung ito ay gagawin lamang kapag nandyan na ang ulan.

Dapat lahat ng LGUs ay makilahok sa inisyatibong ito dahil kahit maglinis ang ilan sa kanila, kung mayroong isa o dalawa ang hindi gumawa ng kanilang parte ay wala ring pagbabago. Ang basura sa kanilang hurisdiksyon ay maaanod lang din sa ibang siyudad.

Pero mahalaga ding magkaroon ng kampanya ang gobyerno lalo na ang mga LGUs para makuha ang tulong ng publiko at maiwasan na ang pagtatapon ng basura kung saan-saan.

Aminin na natin, marami sa ating mga kababayan ang walang disiplina sa pagtatapon ng basura kaya mahalaga ang kampanya para tumulong ang mga mamamayan sa paglilinis sa ating kapaligiran. Kailangan ding seryosohin na ang pagpapasara sa mga establisyemento na dahilan din ng problema.

Dito sa mga bagay na ito dapat gamitin ang political will imbes sa mga aksyon na sumasalungat at lumalabag naman sa batas at karapatang pantao. Nagawa na yan sa pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar kaya walang dahilan para hindi magawa sa tamang pagtatapon ng basura.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,