1,240

Feb 28, 2018 @ 18:59
By

Luya hindi lang pampalasa, anti-oxidant rin

Alam n’yo ba na ang luya na halos araw-araw na ginagamit ng ating mga nanay sa kusina, kusinera sa karinderya, maging ng mga sikat na chef sa mga mamahaling restaurant ay hindi lang masarap na pampalasa sa mga nilulutong ulam.

Sa ating ginawang pananaliksik, isa ang luya sa pampalasang inirerekomenda na laging itabi sa inyong kusina sa kahit anong oras. Hindi lang ito isang sangkap na pangdagdag sa iniluluto dahil mayroon din itong sapat na katangiang pang-medikal.

Kilala ang luya bilang pangontra sa hilo ngunit may katangian din itong anti-bacterial, antiviral, anti-oxidant at anti-parasitic. Kinokontra nito ang ilang implasyon, dahilan upang mabisa itong panggamot sa rayuma, menstrual pain, sakit sa ulo, at iba pa.

Napatunayang malayo ang mararating ng luya bilang panggamot sa ilang sakit. Maliban sa tulong sa muscle at joint pain, ito’y nakakatulong din para maibsan ang migraine.

Panlaban din ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng kanser, diabetes, non-alcoholic fatty liver disease, asthma, bacterial at fungal infections. Isa ito sa pinaka-natural na panggamot na maaaring magamit para sa motion sickness o pagkahilo.

Ang paggamit ng kahit isang gramong luya araw-araw ay maaaring makatulong upang makabawas sa pagkahilo at pagsusuka ng isang buntis, o ng mga may migraine, at napakitang mas mainam itong panggamot sa morning sickness kaysa sa placebo.

Isa rin ang luya sa pangunahing kailangan kapag ikaw ay hindi natunawan.

Naglalaman ang luya ng protein-digesting enzymes at tumutulong na i-stimulate ang pagtunaw ng iyong kinain na walang negatibong epekto. Isa itong antispasmodic agent, isang dahilan sa mabuting epekto nito sa iyong intestinal tract.

Sa katunayan maraming tao ang nasisiyahan sa ginger tea, at isa ito sa mga pinaka-simpleng paraan upang gamitin ito. Maghiwa lamang ng ilang pulgadang ugat ng luya at pakuluan sa mainit na tubig para sa sariwang ginger tea.

Maaari mo ring balatan ang ugat at hiwain nang manipis upang idagdag sa tsaa o lutong pagkain. Hindi ka magkakamali sa pagdadagdag ng luya sa mga prito o kahit sa paborito mong homemade chicken soup.

Para sa mga seryosong problema, makakatulong ang natural health care upang i-maximize ng therapeutic benefits ng luya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?