501
ABANTE dead increase dengvaxia
Jan 15, 2018 @ 12:37
By

Lumulobong bilang ng namatay sa Dengvaxia, ikinabahala

Ikinabahala ng dating opisyal ng Department of Health (DOH) at Health Reform Advocate na si Dr. Anthony Leachon ang lumulobong bilang ng mga batang namamatay matapos maturukan ng Dengvaxia.

Sa media forum sa Maynila, sinabi ni Leachon na kailangan na ang agarang pagkilos ng mga kinauukulan para sagipin ang mahigit 833 libong mga bata na nabakunahan ng Dengvaxia sa harap ng serye ng pagkamatay ng mga naturukan nito.

Isinisi rin ni Leachon sa kawalan ng sense of urgency ng gobyerno kung bakit may mga namamatay na bata lalo na sa mga kanayunan.

Kanya ring ipinunto ang apat na pangunahing dahilan sa isinumite nilang position paper sa Senado sa kontrobersiyal na P3.5 bilyong anti-dengue immunization program ng DOH, kabilang sa mga ito ay ang isyu ng kaligtasan, malaking presyo ng bakuna, kawalan ng prayoridad at ng kahandaan.

Paliwanag ni Leachon, kombinasyon ng dengue at yellow fever ang laman ng Dengvaxia na marahil ay pumipinsala sa mga naturukan nito lalo na ng mga hindi pa tinatamaan ng dengue virus.

Nagtataka rin umano ang kanilang grupo kung bakit minadali ng gobyerno sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ang pagbili ng Dengvaxia sa Sanofi Pasteur gayong hindi naman aniya maituturing na “life and death” situation kung hindi kaagad mabakunahan ang mga bata.

Umaapela naman ang Public Attorney’s Office (PAO) sa mga administrador ng mga eskuwelahan, mga guro, mga city at municipal health offices na makipagtulungan sa imbestigasyon na isinasagawa ng kanilang tanggapan.

Naatasan kasi ang PAO ng Department of Justice na magkaloob ng legal assistance sa mga kaanak at magulang ng mga batang napinsala, nagkasakit at namatay dahil sa Dengvaxia.

Ayon kay PAO Chief Percida Rueda Acosta, maituturing na mass disaster at massacre ang isyu ng anti- dengue vaccine na nangangailangan ng agarang pagtugon.

Kabilang sa mga batang pinaniniwalaang namatay sa Dengvaxia ay nagmula sa mga lalawigan ng Bataan kung saan may naitala nang pitong bilang ng kaso ng pagkamatay. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?