11

Sep 27, 2020 @ 15:26
By

‘Lump sum sa 2021 budget tatanggalin ng Senado’

Tatanggalin ng Senado ang mga lump sum sa panukalang 2021 national budget dahil sa mga kuwestiyonableng insertion sa National Expenditure Program (NEP).

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson matapos niyang mapag-alamang hindi ginalaw ng House of Representatives (HOR) ang naturang mga item sa NEP.

“Kasi narinig ko sabi ng HOR appropriations committee, Rep Yap [ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap], wala silang ginalaw sa NEP. Pero ang NEP naroon na ang lahat na siningit nila eh. Kasi ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dinala sa addendum,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DWIZ noong Sabado.

Ayon kay Lacson, may listahan na siya mga lump sum item ng DPWH na nakapaloob sa preventive maintenance, tertiary roads, secondary roads at iba pa.

“May listahan na kami ng lump sum…Kung anu-ano yan. Pinapatingnan ko na ngayon ang addendum, may listahan na rin kami, may nagpadala sa amin. Tatama ba doon sa mga lump sum? Kasi kung hindi nakatama roon hindi addendum yan,” sabi ni Lacson.

Kung ganito aniya ang mangyayari, ang P396 bilyon lump sum sa panukalang 2021 budget ng DPWH ay dapat i-realign ng dalawang kapulungan ng Kongreso at hindi ng DPWH.

“Kasi ang pagsasaayos ng lump sums, P396B yan, dapat ang mag-realign noon, Kongreso, HOR at Senado. Ang nangyari nito, ang nag-realign na roon, ang tawag nilang addendum at nagpalabas sila ng listahan at nag-realign, DPWH. E hindi pupuwede yan. Wala silang lawmaking power,” ani Lacson.

“Ang lawmaking nasa Kongreso. So kung sinunod ng HOR yan, may problema tayo lalo pa nga kung hindi tutugma sa lump sum na nakalista kasi may listahan ako ng lump sum eh,” saad nito.

“Di nila kami maloloko roon kasi pag sinabi mong ito ang item na naka-lump sum, tutugma ba ang listahan nila? Halimbawa kung ilang libong items yan, lahat ba yan tatama sa nakalista sa lump sum para sabihin nilang addendum o kaya hinimay nila ang lump sum, in-itemize?” sambit pa ng senador.

Nauna nang kinuwestiyon ni Lacson ang P469 bilyon reappropriated at lump sum project sa ilalim ng DPWH na aniya’y ‘unconstitutional.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?