By

Lumang batas-trapiko, palitan na

Sharing is caring!

Panahon na para i-update ang mga lumang batas-trapiko at disiplina sa kalsada.

Sa inihaing House Resolution 1486, iginiit ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na pinaglumaan na ng panahon ang ilang batas ukol sa trapik gaya na lamang ng tinawag nitong hindi makatuwirang “reckless imprudence”.

Kaugnay nito’y nanawagan si Herrera-Dy sa Department of Transportation, Department of Justice, Department of Trade and Industry, Department of Public Works and Highways, Office of the Court Administrator sa Supreme Court, University of the Philippines Law Center, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para bumalangkas ng isang bagong Land Transportation and Traffic Code.

Paliwanag ng kongresista, 1964 pa naging batas ang Land Transportation and Traffic Code (RA 4136). Ang Revised Penal Code naman ukol sa mga krimen ay 1930 pa anya naging batas habang ang Public Service Law (Commonwealth Act No. 146), na tungkol sa issuance ng certificate of public convenience o prangkisa ay 1936 pa, at ang Civil Code of the Philippines (RA 386) na mayroong mga probisyon patungkol sa obligasyon ng mga tao sa isa’t isa ay 1949 pa.

“Panahon na para sa isang bagong batas sa trapiko at disiplina sa lansangan na akma sa mga bagong pamantayan sa buong mundo, bago at umuusbong na teknolohiya, at mga sitwasyon na hindi pa naisip noon ng mga bumalangkas ng mga lumang batas,” giit ni Herrera-Dy.

Sabi ng mambabatas, kailangan ng isang Inter-Agency Task Force na binubuo ng mga eksperto sa iba’t ibang sangay ng ehekutibo na may “technical expertise” na siyang magbabalangkas ng bill.

Handa naman si Herrera-Dy na isulong ang draft bill para sa pagsasaayos ng mga pamantayan at proseso sa driver’s license, disenyo ng mga sasakyan, pagtatayo ng mga kalsada at tulay, at pagpapatupad ng batas mula sa imbestigasyon, paglilitis at parusa.

Dagdag pa nito, dapat merong Traffic Court o adjudication board na puro mga kaso sa batas trapiko at road safety ang lilitisin.

Kailangan rin anyang nakapaloob sa bagong batas ang automatic review ng mga probisyon nito tuwing ikalimang taon. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?