96

Oct 25, 2021 @ 18:55
By

LTO binakbakan ni Poe: Napaka-unprofessional

Binatikos ni Senadora Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) sa gitna ng kawalan nito ng pormal na memorandum ukol sa pananatiling opsyonal at hindi mandatory ng pag-iinspeksyon ng mga Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC), na nagbunsod ng kalituhan at kaguluhan sa mga motorista sa iba’t ibang rehiyon.

“‘Yan ay napaka-unprofessional. Ano ba naman ‘yung isang page na ipa-type ninyo, ipa-press release na ninyo kung hindi n’yo mapaabot o ma-email sa mga regional director ninyo,” ayon kay Poe.

Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee sa pondo ng Department of Transportation (DOTr), kinuwestiyon ni Poe ang prayoridad ng LTO — kung nais ba talaga nitong matiyak ang ‘roadworthiness’ ng mga sasakyan o gusto lamang na tumulong punuin ang bulsa ng iilang tao dahil sa hindi nito pagsunod sa tamang proseso.

“Talagang importante ang roadworthiness. Pero kung ipagpipilitan nila ‘yung PMVIC ngayon, the very least na puwede nilang gawin ay dagdagan pa ang bilang ng mga PMVIC sa pamamagitan ng pagbubukas ng bidding na walang ikinukubli. Hindi ‘yung parang nagulat na lang tayo na may mga may-ari na,” sabi ni Poe.

Ang tinutukoy nito ay ang kuwestiyunableng bidding para sa PMVIC na hindi dumaan sa due process na inaasahan sa mga public-private partnership.

Bagama’t sa kasalukuyan ay may 808 private emission testing center sa buong bansa, nasa 72 PMVIC lamang ang nag-o-operate mula sa 114 na nabigyan ng probisyon na authority to operate.

Inilarawan pa ni Poe ang mga PMVIC na tila isang malaking mall kumpara sa PETCs na tulad naman ng sari-sari stores na hindi modernisado ngunit ayon naman sa minimum standard.

“Parang ang nangyayari ngayon, sinasabi na doon lang kayo mamalengke sa malalaking mall. Papaano naman ako na nakatira sa baryo na ang pinakamalapit lang sa akin ay sari-sari store? Papupuntahin n’yo ako sa bayan na malayo para lang mamalengke kahit na puwede naman dito,” paliwanag ni Poe.

Nauna nang nanawagan si Poe sa intervention ni DOTr Sec. Arthur Tugade, na mismong umaming may kakulangan sa komunikasyon sa loob ng LTO at sumang-ayon rin kay Poe na hindi dapat gawing mandatory ang PMVIC at bigyan ng kalayaan ang mga motoristang pumili.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?