40

Nov 15, 2018 @ 17:51
By

LTFRB tuloy ang pamumudmod ng fare matrix

Magsasagawa na ngayong buwan ng pagdinig ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa petisyon para sa rollback ng pasahe.

Ngunit sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na patuloy pa rin silang mag-iisyu ng fare matrix para makasingil ng mas mataas na pasahe.

Ayon pa kay Delgra, nagdesisyon sila na dinggin na ang petisyon sa kabila ng ilang technical issues.

Ang tinutukoy ni Delgra ay ang petisyon ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na muling pag-usapan ang pagbaba sa pasahe dahil sunod-sunod ang pagtapyas sa presyo naman ng mga produktong petrolyo.

Hiniling din ng grupo na ibalik na sa P8 ang minimum na pasahe sa jeep at sa bus na P10 at P12.

Sinabi naman ni Delgra na gustuhin man nila na agad harapin ang petisyon, kailangang sumunod sila sa proseso.

“Hindi natin masabi kung matatapos ba ‘yan ng isang hearing o dalawang hearing… Nevertheless, we have to have a full hearing in order to address the issue. There is a need to grant the petition and if so, how much and what are the justifications,” paliwanag pa ng opisyal.

Paalala pa ni Delgra sa publiko, na kapag may fare matrix ay P10 na ang minimum fare sa jeep.

Binanggit din nito na bumuo na sila ng technical working group para pag-aralan ang suhestiyon ni Transportation Sec. Art Tugade na sistema sa pagtaas at pagbaba ng pasahe sa jeep.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?