70

Jul 17, 2018 @ 17:11
By

LTFRB namigay na ng fuel discount cards

Sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel discount cards sa mga lehitimong jeepney operator.

Paunang 500 discount cards ang ipinamahagi sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pasada Program sa Quezon City.

Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra, na ang opisyal na listahan ng mga benepisyaryo ng fuel subsidy program ay makikita sa kanilang website.

Ipinaliwanag nito na kailangan na may valid ID at proof of franchise tulad ng Certificate of Public Convenience at franchise verification ang mga nais kumuha ng discount card, na naglalaman ng P5,000.

Ang halaga ay mula ngayong Hulyo hanggang Disyembre.

Inaasahan na halos 179,000 jepney operators ang bibigyan ng discount cards, na pantulong ng gobyerno para maibsan ang epekto ng pagtaas ng halaga ng krudo dahil sa TRAIN Law.

Paglilinaw pa ni Delgra, ang discount cards ay magagamit lang sa mga gasolinahan na may nakapaskil na “Pantawid Pasada Card Accepted Here”.

Babala pa ng opisyal, ang anumang paglabag sa paggamit ng card ay magreresulta sa pagka-diskuwalipika ng may hawak nito sa programa.

Sa susunod na taon, ang mga kuwalipikadong operator ay maaaring tumanggap ng P20,000 halaga ng diskuwento sa krudo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?