48

By

LTFRB: Angkas, habal-habal, mga colorum, huhulihin na sa Cebu

Sinimulan na ng mga operatiba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-7 sa Central Visayas ang paghuhuli sa mga Angkas rider bilang pagtugon sa inilabas na kautusan ng Supreme Court (SC).

Ang utos ng korte ay itigil pansamantala ang pagbibiyahe ng mga motorsiklo na may hawak na restraining order mula sa mababang korte na hindi huhulihin ang mga app-based ride-hailing motorcycle.

Sa kabila nito, paliwanag ni Mayor Tomas Osmeña na ang inilabas na kautusan ng korte ay labag sa pangangailangan ng mga residente na naninirahan sa kabundukan na kung saan habal-habal lamang ang tanging transportasyon ng mga tao doon.

Ayon kay LTFRB-7 chief Eduardo Montealto Jr., kasama din sa huhulihin ang mga habal-habal na nago-operate sa ilang kabundukang barangay sa Cebu.

Paliwanag ni Montealto na ang mga motorsiklo na may sakay at tumatanggap ng bayad ay iligal. Ang mga habal-habal na bumibiyahe sa mountain barangay at ang mga urban-version Angkas ay walang prangkisa mula sa pamahalaan.

Dagdag pa nito na anumang sasakyan na nagsasakay ng pasahero na may bayad ay maituturing na colorum. Delikado at hindi ligtas ang buhay ng mga pasahero nito kung sakaling magkaroon ng aksidente. Kaya naman mandato ng LTFRB na hulihin ang mga colorum na sasakyan maging ang ‘habal-habal’ at Angkas.

Ayon naman kay Land Transportation Office-7 chief Victor Caindec, handa silang tulungan ang operasyon ng LTFRB na hulihin ang mga habal-habal at Angkas na bumibiyahe sa rehiyon, partikular na sa Cebu City subalit hinihintay pa nila ang go signal mula sa central office sa Manila, kasunod ng desisyon ng high tribunal laban sa Angkas.

Sa kabila nito, nanindigan si Mayor Osmeña na walang ibang transportasyon ang mga naninirahan sa bundok dahil tanging habal-habal lang ang masasakyan doon maging sa urban areas, ay nagkukulang din ang pampublikong sasakyan.

Sinabi pa ng alkalde na ligtas naman ang pagsakay sa Angkas dahil nakikilala nila ang driver sa pamamagitan ng app-Angkas at iba pang pangangailangan para maging ligtas ang mga pasahero tulad ng pagpapasuot ng helmet at pagbiyahe na may limitadong takbo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?