17

Nov 24, 2021 @ 11:30
By

LPP humihingi dagdag volunteer para sa nat’l vaccination day

Nanawagan ang League of Provinces of the Philippines (LPP) ngayong Miyerkoles sa pribadong sektor na kung maaari ay magbigay ng karagdagang volunteer para sa gaganaping tatlong araw na National Vaccination Day na magsisimula sa Nobyembre 29.

“Kaya po maganda ‘yung pangalan, ‘Bayanihan, Bakunahan’ so talaga po pati private sector ay kinakalampag na rin po namin para makatulong. Alam niyo naman po na minsan kulang din ‘yung mga ating tumutulong sa gobyerno. ‘Yan pong sa government employees ay hindi karamihan minsan sa mga provincial or city health offices eh kapag ganitong malakihan, talagang tulong tulong po,” pahayag ni LPP President at Marinduque Gov. Presbitero Velasco Jr.

Sa National Vaccination Day ay target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 15 milyon katao, kaya gayon na lamang ang panawagan ni Velasco sa mga dagdag na magtuturok maging mga encoder.

“‘Yan po ang kailangan eh kasi kung wala namang tuturok ay syempre mahirap magparami ng babakunahan,” aniya.

Dagdag pa ni Velasco, nakahanda na ang kanilang mga estratehiya para maraming tao ang mahimok na magpabakuna, kasama na rito ang paghahatid-sundo sa mga nakatira sa mga liblib na lugar at pagbibigay ng pagkain sa mga ito.

“Maganda po ‘yung istratehiya, talaga po namang dapat bigyan ng pa-meryenda o pakainin dahil nga minsan po ay marami din ‘yung nakapila at kawawa naman. Pero ‘yun nga ho, gumagawa naman po kami ng mga iba’t ibang istratehiya at ‘yun na nga ho, ‘yung mga susunduin, kailangan sunduin,”
ani Velasco. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?