140

Jul 18, 2018 @ 20:59
By

LPA sa Luzon isa nang bagyo, tatawaging Inday

GANAP nang isang bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) at pinangalanang bagyong ‘Inday’.

Sa weather bulletin ng Pagasa, huling namataan ang bagyo sa east southeast ng Basco, Batanes at kumikilos ito sa bilis na 15kph at taglay ang lakas ng hanging 55kph at bugsong aabot sa 65kph.

Pinag-iingat at pinaghahanda ng Pagasa ang publiko laban sa bagyong Inday dahil sa loob ng susunod na 24 oras ay palalakasin ito ng hanging habagat na kung hindi magbabago ng direksiyon ay magdudulot ng malalakas na pag-uulan.

Sa monitoring ng Pagasa ay hindi magla-landfall ang bagyo subalit maaari itong maging isang tropical storm.

Asahan umano ang malalakas na pag-uulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan gayundin ay makakaranas ng mahina hanggang malakas na pag-uulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cavite, Batangas, Laguna at Central Luzon.

Hanggang sa araw umano ng Biyernes ay maghahatid ng pag-uulan ang bagyong Inday na sa araw ng Sabado naman inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility.

Ang bagyong Inday ang ika-9 na bagyong pumasok sa bansa ngayong taon at ikatlong bagyo ngayong buwan ng Hulyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?