112

Jun 23, 2019 @ 11:54
By

LPA magpapaulan sa Eastern Visayas, Mindanao

Isang low pressure area (LPA) ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Linggo (June 23).

Saad ng Pagasa, magdudulot ang LPA ng maulap na papawirin na may dalang pabugsu-bugsong pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao at Eastern Visayas.

Nagbabala ang Pagasa sa mga residente sa naturang mga lugar para sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa pagbuhos ng matinding ulan.

Dakong alas-3 ng umaga, namataan ang LPA sa tinatayang 890 kilometro Silangan ng Timog-Silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Dagdag pa ng Pagasa, maaaring maging bagyo o tropical depression ang naturang LPA makalipas ang dalawa hanggang tatlong araw.

Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang pabugsu-bugsong ulan dulot ng localized thunderstorms.

Pinag-iingat ang lahat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng matinding pag-ulan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?