130

Oct 21, 2017 @ 14:14

Lovi at Erich, walang samaan ng loob

“Out of context” ang deskripsiyon ni Lovi Poe sa kumalat na balitang nagkasamaan sila ng loob ni Erich Gonzales matapos ang totohanang away nilang dalawa sa kinukunang eksena sa shooting ng pelikula nila together, ang “The Other Significant”.

Ayon kay Lovi, kulang ang video na kumalat sa social media ng eksena nila ni Erich kaya ang lumabas talagang nag-away silang dalawa ng Kapamilya star matapos ang eksena.

Hindi na ipinaliwanag pa ni Lovi kung ano ang dapat sana’y karugtong ng video para naunawaan ng netizen na eksena lang talaga ang sampalan at kalmutan nila ni Erich at hindi totohanan.

Pero giit ni Lovi, matapos ang eksena ay hindi sila nagtanim ng galit sa isa’t isa ni Erich.

Ibinabato ni Lovi sa kanilang direktor na si Joel Lamangan ang dahilan ng totohanang sakitan nila ni Erich sa eksena. Malakas at totoong sampal ang ipinatikim ni Lovi kay Erich. Duguan naman ang kamay ng una nang sumabit ito sa hikaw ng huli.

Sabi nga ni Lovi, ‘yun daw ang gusto ni direk Lamangan at totohanin nila ang eksena para lumabas ang natural nilang acting.

Ewan lang namin kung nag-sorry si direk Lamangan sa naidulot na kirot kina Erich at Lovi, dahil ayon sa kanya sa presscon ng “This Time I’ll Be Sweeter” na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at Ken Chan, under Regal Multi Media Inc., kapag may nasasaktan siya, ang pambawi niya ay ang paghingi niya ng sorry sa mga ito.

Nainis pa nga si direk Lamangan sa topic gayong ang tema naman ng TTIBS ay tungkol sa naidulot na sakit o kirot sa puso ng isang tao at kung paano ito bumawi para maalis ang sama ng loob nito.

Sa dami ba naman ng mga artistang sumama ang loob kay direk Lamangan o nasaktan nito in anyways or somehow, lahat ba ng mga ito ay nag-sorry siya.

Anyways, wala raw nabago sa friendship nina Lovi at Erich na naiintindihan ang demand ng kanilang trabaho, hindi gaya ng nangyari kina Angelica Panganiban at Angel Locsin na ilang taong hindi nag-usap mula nang maging totohanan ang bakbakan nila sa eksena ng pelikula nila na pinagbibidahan din ni Dingdong Dantes.

Sey pa ni Lovi, nag-uusap pa rin sila ni Erich at excited na silang mapanood ang kanilang pelikula.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?