gun-man
By

Love triangle: Matadero tinadtad ng bala habang sakay ng motorsiklo

Sharing is caring!

Away sa pag-ibig ang nakikitang motibo ng pulisya sa naganap na pananambang sa isang biyudong matadero ng dalawang kalalakihang lulan ng motorsiklo sa lungsod ng Caloocan kagabi.

Sa ulat ni PO1 Renante Duldulao, ng Caloocan City Police, alas-11:20 ng gabi nang mangyari ang insidente sa eskinita sa kahabaan ng Phase I, Package 2, Block 30, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Sakay ng kanyang motorsiklo si Isagani Opiasa, 34-anyos, biyudo, isang matadero at residente ng Phase II, Package 2 ng nasabing lungsod at pauwi na sana matapos na ihatid ang kanyang nililigawang babae.

Pagkaalis ng nililigawan ay doon na siya hinarang ng mga suspek na magkaangkas din sa isang motorsiklo at pinaputukan ng baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Agad nagsitakas ang mga salarin matapos ang pamamaril habang nakahingi ng saklolo sa pulisya ang ilang mga residente sa lugar ngunit dead on arrival na ang biktima.

Sa pagsisiyasat ng SOCO ay hindi bababa sa anim na mga basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang narekober sa pinangyarihan ng krimen at nakatakdang isumite sa PNP Crime Laboratory para sa ballistic examination.

Nabatid sa mga kaanak ni Opiasa na may asawa na umano ang nililigawan nito at may apat na anak.

Matagal na umano nila itong sinasabihang tantanan na ang nililigawan dahil nakakasira umano ito ng pamilya ngunit hindi ito nakinig.

Kasalukuyan na ngayong nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at pinaghahanap ang mga suspek, maging ang mister ng babaeng nililigawan nito na itinuturing ngayong person of interest sa nangyaring pagpatay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?