99

Dec 28, 2017 @ 15:28
By

Love triangle: Bagets patay, 2 pa sugatan

Patay ang isang teenager habang sugatan naman ang dalawa niyang kaibigan matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay habang isinusugod sa Malvar Hospital ang biktimang si Fregie Balakid, 18-anyos, residente ng Old Balara, Quezon City dahil sa tinamong tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang ginagamot pa sa Malvar Hospital ang dalawa niyang kaibigan na nakilalang sina Rod Steven Alipao, 21; at Paul Roland Janaban, 19, kapwa residente ng Luzon Avenue, Brgy. Culiat, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Jomar Pallado, naganap ang krimen dakong alas-10:20 ng gabi sa Purok 1, Area 5, Villa Beatriz Subdivision, Old Balara.

Masayang nagkukuwentuhan ang tatlong biktima sa harap ng isang tindahan nang dumaan ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo at niratrat ang magkakaibigan.

Isa sa mga testigo ang nagsabing marami nang ‘death threats’ na natanggap si Balakid nitong nakaraang linggo dahil umano sa selos na hindi naman tinukoy kung sino ang nagseselos sa kanya o kung sino ang pinagselosan.

Dahil sa pahayag ng testigo, masusi nilang iniimbestigahan ngayon ang posibleng anggulong ‘love triangle’ sa naganap na krimen at upang makilala rin ang salarin na posibleng karibal ng pinatay na teenager.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?