817

By

Lotto winner, dapat may ‘say’ kung paano gagastusin ang tax sa premyo – solon

Sharing is caring!

Maaaring nang itakda ng sinumang mananalo ng lotto jackpot at iba pang premyong higit sa P10,000 kung saan gagastusin ng pamahalaan ang buwis na kakaltasin mula sa kanyang napanalunan.

Ito’y kung maisasabatas ang House Bill 8418 ni AANGAT TAYO partylist Rep. Neil Abayon na naglalayong bigyan ng karapatan ang lotto winner na magdesisyon sa kung anong gagawin sa kanyang premyo, kasama na ang kaltas na buwis.

Alinsunod sa Republic Act 10963 o TRAIN Law, may final tax na 20 percent na ibabawas sa premyong higit sa sampung libong piso at bahala ang gobyerno kung paano ito gagastusin.

“Dati kasi bago magka-TRAIN Law, wala namang 20 percent tax. Sa House Bill 8418, hindi natin inaalis iyong kaltas na tax. Nais lang nating bigyan ng kapangyarihan ang lotto winner na magpasya kung saang LGU o programa o proyekto ng pamahalaan ilalaan ang 20 percent tax na ikakaltas sa premyo niya,” paliwanag ni Abayon.

Sa panukala ng kongresista, ang jackpot winner ang tutukoy kung anong public school, government hospital, barangay, bayan, o proyekto ang makikinabang sa buwis na ikakaltas sa kanyang napanalunan. Kailangan lamang sabihin niya ito sa isang notarized letter sa Pangulo.

Sa PCSO 6/58 Ultra Lotto, lagpas isang bilyong piso na ang jackpot prize, kaya’t ang 20 percent tax na ikakaltas sa premyo ng mananalo ay aabot sa mahigit P200 million.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?